Friday, August 17, 2012

Itinanggi ba ni Jesus ang Kanyang pagka-Diyos sa Juan 8:40?



NOTE: We have moved to our new home, http://bibleexpose.org/.

For the English version, click here: Did Jesus Deny His Deity in John 8:40?

“Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: itoy hindi ginawa ni Abraham. (Juan 8:40) [1]

Ito ang isa sa mga paboritong talata ng Iglesia ni Cristo (INC) para patunayan na si Jesus ay hindi kapantay ng Diyos. Muli’t muli nating nakikita na binabanggit ang talatang ito sa kanilang opisyal na lathalain na Pasugo.

Ang ating Panginong Jesu-Cristo ay tao. Siya ay naiiba mula sa Diyos. Siya ay hindi Diyos, ni Siya ay Diyos-Tao. ... Mismong si Cristo ang nagturo na Siya ay tao na nagsasaysay ng katotohanan. Sabi ng ating Panginoong Jesu-Cristo: “Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios.” (Jn. 8:40) [2]

Sa kabila ng mga katangian ni Cristo, ano ang Kaniyang likas na kalagayan? “Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig: ito’y hindi ginawa ni Abraham.” (Juan 8:40) Sa pagkakataong ito ay malinaw na ipinakilala ni Cristo na siya ay tao. Hindi kailanman sinabi ni Cristo na Siya ang tunay na Diyos. Samantalang kung siya, dapat sana’y ipinakilala Niya ang sarili Niya na Diyos.[3]

Makikita natin dito na pinalalabas ng INC na, sa pagsasabi na Siya ay “tao,” itinanggi mismo ni Cristo na Siya ay Diyos at “Siya ay naiiba mula sa Diyos... ni Siya ay Diyos-Tao.”[4] Wala nga bang pasubali na itinanggi ni Jesus ang Kanyang pagka-Diyos sa Juan 8:40?

Tinatanggap namin na, sa Juan 8:40, sinabi ni Jesus na Siya ay tao. Naniniwala kami sa Kanyang ganap na pagkatao. Ngunit hindi kami sang-ayon na dahil dito lumalabas na itinanggi Niya ang Kanyang kalikasan bilang Diyos. Sa naturang talata, hindi naman Niya sinabi talaga na “Ako’y tao at hindi Diyos.” Sinabi lamang Niya na Siya ay tao. Para lang sa kapakanan ng ating talakayan, pagbigyan natin na, nang Kanyang sabihin na Siya ay tao, Kanyang pinagtibay ang Kanyang pagiging tao. Ang katotohanan na Kanyang sinabi na Siya ay tao ay hindi nangangahulugan na Kanyang sinabi na hindi siya Diyos. Ang kanyang paninindigan ng isang bagay ay hindi katumbas sa kanyang pagtanggi ng ibang bagay.

Ano talaga ang sinasabi sa talatang ito? Ayon sa INC, “Malinaw na ipinakilala ni Cristo na siya ay tao.”[5] Iyon ba ang ipinupunto ng ating Panginoon nang Kanyang sinabi na Siya ay “taong sa [kanila'y] nagsaysay ng katotohanan, na [Kanyang] narinig sa Dios”?

Hindi isinaalang-alang ng INC ang konteksto ng Juan 8:40. Ang simpleng konteksto ng talata ay ang mga talata bago at pagkatapos nito. Kapag nawawalay sa konteksto nito ang isang talata, nabibigyan natin ito ng isang pakahulugan na hindi naman nito talagang nais na ipakahulugan. May nagsabi na, “Ang talata na hindi tinitingnan ang kabuuan ay isang kabulaanan.”[6]

Ipinapakita ng konteksto na hindi naman tinitira ang pagiging tao ni Cristo sa pagtatagpong ito sa pagitan Niya at ng mga Judio. Hindi nila kinwestyon na Siya ay tao. Ngunit, kanilang pinagdudahan ang Kanyang karapatan bilang sugo ng Diyos. Ang Kanyang pinanindigan ay Siya ay kinausap ng Diyos. Nakapaloob sa talata ang kanyang pagiging tao ngunit hindi ito ang isyu. Kaya nga ganito ang pagkakasalin nito sa Magandang Balita Biblia: “Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin.” Hindi Niya kailangang patunayan o “ipakilala” na Siya ay tao. Hindi ito ang pinakapunto ng Kanyang sinabi. Ang pinagtatalunan ay kung isinugo Siya ng Diyos o hindi. Kaya nga Kanyang ipinahayag, “Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos”

Pag-aralan natin ang konteksto ng Juan 8:40. Sapagkat tumanggi silang makinig sa Kanya, kinwestyon ni Jesus ang pag-angkin ng mga Judio na sila’y mga kabilang sa lahi ni Abraham.

Talastas ko na kayo’y binhi ni Abraham; gayon ma’y pinagsisikapan ninyong ako’y patayin, sapagka’t ang salita ko’y hindi magkasiya sa inyo. Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama. (Vv. 37-38)

Kaya, buwelta nila, “Si Abraham ang aming ama.” (v. 39) Ngunit, hindi nila naintindihan ang Kanyang gustong sabihin. Hindi kinukuwestyon ng Panginoon ang kanilang lahi. Tinutuligsa Niya ang kanilang kalagayang esprituwal.

Talaga namang ang mga Judio ay mula sa lipi ni Abraham sa laman. Subalit sila rin ang nagsisikap na patayin si Jesus, ang tunay na Anak ni Abraham, kaya talagang ipinapakita na hindi sila kabilang sa lipi ni Abraham sa espiritu. (Roma 2:28-29; 9:6, 8; Gal. 3:29). Hindi nila tinatanggap ang Kanyang mensahe.[7]

Kaya nga ipinahayag ni Jesus ang katotohanan na nangusap ang Diyos sa Kanya: “Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyoy nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios. (Ako ang nagbigay-diin) Hindi naman talaga kailangang patunayan ang Kanyang pagiging tao. Nananawagan Siya na kanilang kilalanin ang Kanyang pahayag na nangusap ang Diyos sa Kanya.

Ngunit ayaw nilang paniwaalan Siya. Sa halip, sinikap nilang patayin Siya. Kung kaya pinatunayan nila na sila'y sa diablo at hindi sa Diyos. Kung papaanong nilabanan ang kaaway sa Diyos, gayun din naman kinalaban ng mga Judio si Jesus. Ang pagtangging makinig sa Kanya ay katumbas ng paghihimagsik laban sa Ama na nangusap sa Kanya, na katulad ng ginawa ni Satanas.

Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka’t ako’y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka’t hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako. Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? Sapagka’t hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. ... Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito’y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo’y hindi sa Dios. (Vv. 42-44a, 47)

Sa kabila nito, ang kamangha-mangha ay, sa Kanyang pagpapahayag ng Kaniyang karapatan bilang sugo, walang pasubali na pinanindigan ni Jesus ang Kanyang pagka-Diyos: “Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga.” (v. 58. Ako ang nagbigay-diin.) Ganito ang sinabi ng INC: “Samantalang kung siya [ay Diyos], dapat sana'y ipinakilala Niya ang sarili Niya na Diyos.”[8] Dito sa konteksto ng Juan 8:40, sa pagkakataong ito, ipinakilala nga Niya ang Kanyang sarili na Diyos. Kung papaanong malinaw ang Kanyang pagiging tao, gayon din naman malinaw din ang Kanyang pagiging Diyos.

Ipinanganak si Abraham; ngunit bago pa siya ipanganak, umiiral na si Jesus. Ako nga ay katawagan ng Diyos (Exo. 3:14; Isa. 41:4; 43:11-13; Juan 8:28); ipinapakita ng  tugon ng mga Judio (v. 59) na gayon nga ang pagkakaintindi nila. Dahil sa kanyang pagiging kapantay sa Diyos (5:18; 20:28; Fil. 2:6; Col. 2:9), si Jesus ay umiiral na mula sa mga walang hanggan (Juan 1:1).[9]

Kaya sa Juan 8:40, pinanindigan sa mga Judio ng Panginoon ang Kanyang karapatan bilang sugo. Hindi Niya kailangang patunayan sa kanila ang Kanyang pagiging tao. Kung maingat nating susuriin ang konteksto nito, makikita pa natin sa bandang huli na, sa halip na itanggi ang Kanyang pagka-Diyos, ipinahayag pa talaga ni Jesus na Siya ay Diyos.

Lumalabas na sa kanilang pagtatangka na patunayang hindi Diyos si Cristo, nagkamali ang INC sa pag-intindi sa Juan 8:40. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos ay ang tamang pag-unawa dito, Ipinapakita ng kanilang maling pagkaunawa dito na hindi talaga sila nakikinig.

Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios. (v. 47)

© 2012 Bible Exposé Apologetics Ministry. To know more about us, click here.

NOTE: We have moved to our new home, http://bibleexpose.org/.


[1] Malibang nakasaad, mula sa Ang Biblia (1901) ang mga talata ng Salita ng Diyos. Ako ang nagbigay-diin.

[2] "Our Lord Jesus Christ is man. He is different from God. He is not God, neither is He God-Man. ...Christ Himself taught that He is a man telling the truth. Said our Lord Jesus Christ: 'As it is, you are determined to kill me, a man who has told you the truth that I heard from God.' (Jn. 8:40, NIV)." Ruben D. Aromin, “Just when was Christ made God?” Pasugo: God’s Message, July 1994, 12, 13.

[3] Daniel D. Catangay, “Ang mga katangian ni Cristo at ang kaniyang likas na kalagayan,” Pasugo: God’s Message, February 1995, 13-14.

[4] “He is different from God... neither is He God-Man.” Aromin, 12.

[5] Catangay, 14.

[6] “A text without a context is a pretext.”

[7] "Physically the Jews of course are the descendants of Abraham. Yet this same crowd was seeking to kill Jesus, Abraham’s true Son, thus showing that they were not Abraham’s spiritual descendants (cf. Rom. 2:28-29; 9:6, 8; Gal. 3:29). They were rejecting His message..." Edwin A. Blum, “John” in The Bible Knowledge Commentary, New Testament, ed. John F. Walvoord, Roy B. Zuck and Dallas Theological Seminary (Wheaton, IL: Victor Books, 1983, 1985), 305.

[8] Catangay, 14

[9] "Abraham came into being; but when he was born, Jesus was already existing. I Am is a title of Deity (cf. Ex. 3:14; Isa. 41:4; 43:11-13; John 8:28); the Jews’ response (v. 59) showed they understood it that way. Jesus, because of His equality with God (5:18; 20:28; Phil. 2:6; Col. 2:9), existed from all eternity (John 1:1)." Blum, 306. Ako ang nagbigay-diin. Tatalakayin pa natin ang pakahulugan ng pagpapahayag ni Cristo na Siya si "Ako nga" sa ibang pagkakataon.