Tinawag nga ba ang Panginoong Jesu-Cristo na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan" sa 1 Juan 5:20?
Mahalaga ngunit kontrobersyal ang katuruan ng pagka-Diyos ng Panginoong Jesu-Cristo. Sa isang giyera, pinagbubuwisan ng buhay ang bawat hakbang pasulong. Gayon din naman, mainit na pinagtatalunan ang bawat talata na tumatalakay sa naturang paksa.
Isa sa naturang mga talata ay ang 1 Juan 5:20. "At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan." [1]
Ang malaking isyu patungkol sa talatang ito ay kung tinawag nga ni Juan ang Panginoong Jesus na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan." Kung gayon nga, ang 1 Juan 5:20 ang isa sa mga pinakamalinaw na talata tungkol sa Kanyang pagka-Diyos. Ngunit may mga sumasalungat dito, na nagsasabing ang Diyos Ama ang talagang tinutukoy ng apostol.
Sumulat si apostol Juan upang ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas. Malinaw niyang ipinahayag ang mga layunin kung bakit siya sumulat sa mga unang nakabasa ng kanyang liham. (Pansinin ang mga katagang "Isinusulat namin ang mga bagay na ito" o "Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo..." sa naturang liham.) Una, sumulat siya upang malubos ang kagalakan ng mga sinaunang mananampalataya sa kanilang kaligtasan (1:4). Sumulat siya upang mamuhay sila ng isang buhay na may pagsunod (2:1), may pagmamahal sa iba (2:7) at may katiyakan (2:12-14; 5:13) bilang tugon sa kanilang kaligtasan. Sumulat din siya upang magbigay-babala laban sa mga maling katuruan tungkol kay Cristo (2:26). Inilaan niya ang mga pinakamaaanghang na salita laban sa mga nagkakalat ng mga hidwang pananampalataya tungkol sa Panginoon. Tinawag niya silang mga "anti-Cristo" (2:18; 4:3), "sinungaling" (2:22) at "mga bulaang propeta" (4:1).
Ang pinaka-konteksto ng ating tinatalakay na talata ay patungkol sa katiyakan ng kaligtasan ng mga nananampalataya sa Panginoong Jesus (5:11-13). Nagdudulot ito sa atin ng kapanatagan sa pananalangin (vv. 14-15), nagpapaalaala sa atin laban sa pamumuhay ng isang makasalanang pamumuhay (vv. 16-19) at nagbibigay sa atin ng katiyakan na tayo ay binigyan na ng pagkaunawa kay Cristo (v. 20). Kapansin-pansin ang huling binitiwan na babala ni Juan: "Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan." (v. 21). Kung kaya upang maranasan natin ang ganitong pinagpalang katiyakan, kailangan nating tiyakin na nananampalataya tayo sa tamang Cristo. Kung bulaan ang ating Cristo, isang diyus-diyosan ang pinanghahawakan natin. Ang diyus-diyusan ay ang maling pananampalataya sa kung sino si Jesus. Malinaw na nagbabala si Juan laban sa mga ipinagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo (2:22) at sa mga nagpapahayag na hindi Siya naparito sa laman (4:2-3). Sa kanyang buong liham, tinawag ng apostol si Jesus na "Anak" (1:3), "Tagapagtanggol sa harap ng Ama," "matuwid" (2:1), "ang kabayaran para sa ating mga kasalanan" (v. 2), "Cristo" (v. 22), "ang Anak ng Diyos" (3:8) at "Tagapagligtas ng sanlibutan" (4:14). Kaya nga lumalabas na marapat lamang na sa bandang huli ay tawagin Siya ni Juan na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan." (5:20)
Ang pinakamahalagang bahagi ng ating talata ay kung si Cristo nga ang "antecedent" o siyang tinutukoy ng nagpapatotoong panghalip ("demonstrative pronoun") na "ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan" (Dagdag ang pagbibigay-diin). [2] Kung si Cristo nga ang tinutukoy ng "Ito," malinaw kung gayon na tinawag nga Siyang Diyos sa talatang ito. Lumalabas na ganoon na nga sapagkat ang panghalip na "Ito" ay kasunud na kasunod lamang ng katagang "Jesu-Cristo." Kaya, kung gramatika na rin lang ang pag-uusapan, ang Panginoong Jesus ang tinawag ni Juan na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan."
At, isinulat ni Juan na, nang naparito si Jesus, "binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo" (v. 20a). Pagkatapos, kanyang binigyang-diin na tayo ay kaisa Niya o "tayo'y nasa kanya na totoo" (v. 20b). Ang tanong ay, "Sino ang tinutukoy na 'siya na totoo'?" Ang sagot ay nasa "subordinate clause" o sugnay na pantulong: "sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo." (v. 20c) Si Jesus ang sinasabing "siya na totoo." Kaya nga tinawag Siya ni Juan na "tunay na Diyos". Siya ang magpapaunawa sa mga tao na kilalanin Siya na kabuuan ng katotohanan, "ang tunay na Diyos" na laban sa mga diyus-diyosan o mga maling katuruan tungkol sa Cristo. Binigyang-diin din ni Juan na ang buhay na walang hanggan "ay nasa kanyang Anak," na walang iba kundi si Jesus (v. 11). Kung mananampalataya tayo sa Kanya, tayo ay may buhay na walang hanggan. Ang dahilan kung bakit magagawa Niya na magbigay ng buhay na walang hanggan ay sapagkat Siya mismo ang "buhay na walang hanggan" (v. 20d). Siya ang pinagmumulan ng buhay.
Kaya, malinaw sa konteksto pa lamang, si Jesus ang tinawag ni Juan na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan." Kung kaya ang 1 Juan 5:20 ang isa sa mga pinakamalinaw na talata tungkol sa pagka-Diyos ni Cristo.
Sa ebanghelyo na kanyang sinulat, paulit-ulit na binigyang-diin ni apostol Juan ang pagka-Diyos ni Cristo (Juan 1:1, 18; 5:18; 8:58; 10:30; 20:28). Kaya walang salungatan nang tawagin niya si Jesus na "tunay na Diyos" sa kanyang unang liham. Sa katunayan, batay sa pinakalumang mga manuskrito o kopya ng Bagong Tipan, tinawag sa Juan 1:18 si Jesus na "Diyos na tanging Anak." [3] Ipinahayag ng Panginoong Jesus na Siya "ang katotohanan, at ang buhay" (14:6), na akmang-akma kapag inihahambing sa "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan" sa 1 Juan 5:20. Sa Pahayag 3:7, tinawag si Jesus na "totoo". Kinilala din ng mga apostol Pablo at Pedro na Diyos ang Panginoong Jesus at hayagan Siyang tinawag na "Diyos" (Tito 2:13; 2 Pedro 1:1).
Tinawag ng Bible Knowledge Commentary ang 1 Juan 5:20 na "isang dakilang pagpapatunay sa pagka-Diyos ni Cristo." [4] Subalit hindi lahat ng dalubhasa o "scholars" ay sang-ayon dito. Ayon kay Vincent, ang "demonstrative pronoun" ay tumutukoy sa Diyos Ama.[5] Ngunit inamin din nito na "Gayunpaman, maraming nagsasabi na tumutukoy ito sa Anak." [6] Ito ang dahiln kung bakit isinulat ni Wallace na "sapat nang sabihin dito na walang gramatikang kadahilanan para itanggi na 'ang tunay na Diyos' ay kumakatawan kay Jesu-Cristo." [7]
Ipinaliwanag naman ng mga hindi sang-ayon na si Cristo ang "antecedent" ng "ito" sa 1 Juan 5:20 na Siya mismo ang nagsabi na ang Diyos Ama ang "iisang Diyos na tunay" (juan 17:3). Dalawang beses lamang na ginamit ni Juan ang katagang αληθινος Θεος (isinalin na "Diyos na tunay" sa Juan 17:3 at "tunay na Diyos" naman sa 1 Juan 5:20). Kaya nga may pagtatalo kung pareho silang tumutukoy sa Ama o ang Ama ang tinutukoy sa Juan 17:3 at ang Anak naman ang tinutukoy sa 1 Juan 5:20. Ngunit, gaya nang aking sinabi na, tinawag si Jesus na "Diyos na tanging Anak" sa Juan 1:18. Hindi sa dalawa ang Diyos. Tanging ang katuruan ng Trinity lamang ang makakaresolba sa animo'y salungatan na ito. Iisa lamang ang "tunay na Diyos." Sapagkat si Jesus ay kapantay ng Ama (Juan 5:18; 10:30).
Hindi rin sang-ayon ang mga hidwang pananamplataya na itinatanggi ang pagka-Diyos ni Cristo na tinawag ni Juan na "tunay na Diyos" si Jesus. Halimbawa, ayon sa Iglesia ni Cristo, "Ang angkinin na si Jesus ang tunay na Diyos sa huling pangungusap habang inaamin na ang Ama ang tunay na Diyos sa unang pangungusap ng 1 Juan 5:20 ay tila pagsasabi na sa talatang ito pa lamang, mayroong dalawang mga tunay na Diyos, ang Ama at ang Anak." [8] Gaya nang aking naisulat na, ang Trinity ang pinaka makapagpapaliwanag dito at si Cristo ang tinutukoy na "siya na totoo." Pinalaki masyado ng grupong ito ang inamin ni Wallace na "maraming dalubhasa ang nakikita na ang [Diyos] sa halip na si [Cristo] ang 'antecedent,' kahit na ang [Cristo] ang mas malapit." [9] Dagdag pa dito, masyado nilang binigyang diin ang sinabi ni Wallace na, "Ang isyung ito ay hindi madedesisyonan sa pamamagitan ng gramatika lamang." [10] Ngunit lumalabas na binaluktot ng Iglesia ni Cristo ang mga sinabi ni Wallace. Sa isang banda, isyu kung sino talaga ang "antecedent." Sa kabilang banda, ibang isyu naman ang pagbaluktot sa mga sinabi ni Wallace. Tinatanggap natin na pare-parehong magagaling at makadiyos ang mga dalubhasa ang nagsasalungatan sa kung sino ang "antecedent." Gayunpaman, ang pagbaluktot o ang pagsitas ng labag sa konteksto ay isang bagay na kinakikitaan ng kawalan ng katapatan. Sa kanyang personal na "email" sa akin, ikinalungkot ni Wallace ang ginawang pagbaluktot sa kanyang mga sinulat, "Bakit hindi niya sinitas ang lahat ng patunay na sumusuporta sa argumento [na si Cristo ang 'antecedent']?" [11] Sinabi pa niya na pinilipit ng Iglesia ni Cristo ang lahat ng sinulat niya patungkol sa 1 Juan 5:20.
Isang "screenshot" ng buong paliwanag ni Daniel Wallace patungkol sa 1 Juan 5:20
sa kanyang "Greek Grammar Beyond the Basic" (Pradis Bible Software)
|
Kabilang sa mga patunay na sumusuporta sa argumento ni Wallace (na hindi sinitas ng Iglesia ni Cristo) ay ang katotohanan na ang "buhay" ay "isang katawagan na hindi saanman ginamit patungkol sa Ama." [12] At, itinuro ni Wallace na ang "demonstrative pronoun" nagpapatotoong panghalip na "Ito" (Sa Griego ay οὗτος) sa tuwing gagamitin ito ni Juan "sa Ebanghelyo at sa mga Sulat ni Juan ay mukhang ginagamit sa isang mayamang teolohikal na kaparaanan." [13] Idinagdag niya sa may 70 beses na ginamit ni Juan ang naturang "demonstrative pronoun" para pantukoy sa sinuman, "hanggang sa apatnapu't apat sa mga ito (halos dalawang-ikatlo ng mga pagkakataon] ay tumutukoy sa Anak." [14] Ang mga ito ay direktang personal na pantukoy. Karamihan sa mga natitirang ikatlong bahagi ay hindi man tuwiran pero patungkol pa rin kay Cristo. Kaya para kay Wallace, ang "Ito" sa 1 Juan 5:20 ay direktang pinatutungkulan si Cristo. Idinagdag pa niya na, "Ang pinakamahalagang dapat bigyang diin ay hindi kainlanman ginamit [ang naturang 'demonstrative pronoun' na nasa 1 Juan 5:20] patungkol sa Ama." (Sa kanya ang diin) [15]
Kaya may napakalaking suporta sa mga ebidensya ay itinuturo na tinawag nga ang Panginoong Jesu-Cristo na "tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan" sa 1 Juan 5:20. Ang pagka-Diyos ni Cristo ay mahalaga hindi lamang bilang katuruan na dapat ipagtanggol kundi bilang katotohanan na dapat isapamuhay sa araw-araw na pamumuhay.
© 2012 Bible Exposé Apologetics Ministry. To know more about us, click here.
NOTE: Ito ay salin mula sa English ng "Did 1 John 5:20 Really Call Jesus "the true God and eternal life"? Anumang mungkahi kung paano mas magiging malinaw ang pagkakasalin ay maari ninyong i-email sa bibleexpose@gmail.com.
________________________________
[1] Malibang nakasaad, mula sa Ang Biblia, 2001 ang lahat ng talata ng Salita ng Diyos.
[2] Sa ibang salin ng Biblia, ang οὗτος ay isinalin na "Siya."
[3] Ganito ang nakasaad sa ibang manuskrito: "Ang tanging Anak, na Diyos." (Talibaba o "footnote" ng Ang Biblia, 2001) Ayon naman sa Magandang Balita Biblia, "Kailanma'y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siya ng bugtong na Anak ng Diyos--siya'y Diyos--na lubos na minamahal ng Ama."
[4] "grand affirmation of the deity of Christ”. John F. Walvoord, Roy B. Zuck and Dallas Theological Seminary, The Bible Knowledge Commentary: An Exposition of the Scriptures (Wheaton, IL: Victor Books, 1983-c1985), 2:903-904.
[5] Marvin Richardson Vincent, Word Studies in the New Testament (Bellingham, WA: Logos Research Systems, Inc., 2002), 2:374.
[6] "Many, however, refer it to the Son." Ibid.
[7] “suffice it to say here that there are no grammatical reasons for denying that [true God] is descriptive of Jesus Christ.” Daniel B. Wallace, Greek Grammar Beyond the Basics (Grand Rapids, MI: Zondervan, 1996), 327.
[8] “To claim that Jesus is the true God in the last sentence while admitting that the Father is the true God in the first sentence of I John 5:20 is short of saying that in this verse alone, there are two true Gods, the Father and the Son.” Jose Ventilacion, “Who Is the True God According to 1 John 5:20? The Father or the Son?” Pasugo, Aug. 2004, Vol. 56, No. 8, (Quezon City, Manila: Iglesia ni Cristo, 2004).
[9] “many scholars see [God] rather than [Christ] as the antecedent, even though [Christ] is closer.” Ibid.
[10] “The issue cannot be decided on grammar alone.” Ibid.
[11] "Why didn't he cite all the data that support the argument [that Christ is the antecedent]?" Daniel Wallace, Dallas, Texas, USA, December 23, 2005, email to the author, Quezon Cty, Phil, 1. Re: Your work used by a cult.
[12] "an epithet nowhere else used of the Father." Wallace, Greek Grammar Beyond the Basics, 327.
[13] "in the Gospel and the Epistles of John seems to be used in a theologically rich manner." Ibid.
[14] "as many as forty-four of them (almost two-thirds of the instances) refer to the Son.” Ibid.
[15] “What is most significant is that never is the Father the referent [of the demonstrative pronoun used in 1 John 5:20].” Emphasis his. Ibid.
<< Home